15 November 2013

Paano Ako Naging Apologist. . .

"Dahil Katoliko ang mga magulang ko at ang mga kapatid ko, ako ay isang Katoliko".  Iyon ang simpleng sagot ko noon sa nagtatanong tungkol sa aking relihiyon.

Noong kabataan ko pa ay hindi ako natanong kung ano ang paniniwala ko. Basta nalang ako sumusunod sa ina ko sa tuwing siya ay nagsasabing magbihis na ako dahil kailangang magsimba sa araw ng linggo. Sa simbahan ay halos wala akong natatandaan sa mga pinagsasabi ng pari o ng kaabag. Pinapatabi lang ako ng ina ko sa kanya sa upuan. Isa akong masunurin na bata kasi.

Noong nasa third year ng hayskul na ako ay doon ko naumpisahang pag-aralan ang Katolikong pananampalataya. Paano kasi ay nayaya ako ng boardmate ko na sumali sa Three-day Catholic Faith Live-in Seminar sa San Francisco, Agusan del Sur. Sa simula ay parang wala lang sa akin. Kaya kung ano ang ginagawa ng mga nagseminar ay sinusunod ko lang. Pero isang gabi bago matapos ang seminar ay nagkaroon ng meditation. Sa mga sandaling yun ay may nararamdaman akong kakaiba na hindi ko maipaliwanag. Gusto kong maiyak pero hindi ko naman magawa.

Natapos ang seminar ay nagkaroon ako ng desire na mag-aral pa sa Catholic doctrines. Kaya nung sumunod na buwan, ay natagpuan ko sarili ko na nasa seminar ulit at naging aktibo sa mga gawain. Nagkaroon ako ng pagkakataon na makausap ang founder ng Catholic Faith Lay Apostolic Movement of the Philippines (CFLAMP). Tinanong niya ako kung interesado daw ba akong sumama sa kanila. Hindi ako tumanggi.

Natapos ang pangalawang seminar na dinaluhan ko na siyang naging hudyat ng pagiging isa kong Catholic Faith Defender. Mula noon ay sumasama na ako sa founder ng CFLAMP na si Rodolfo Azura Tejedor (may his soul rest in peace with the Lord), na dating Northeastern Mindanao Organiser ng CFD, bilang kanyang assistant. Siya kasi ay may problema na sa mata kaya kailangan niya ng aalalay sa kanyang paglakad at sa pagdala ng mga aklat niya sa tuwing may pupuntahan, seminars o programa sa radyo. Sa tuwing may libreng oras, binabasa ko ang mga aklat at mga sulat niya tungkol sa Catholic Faith. Hanggang sa binigyan na niya ako ng pagkakataong maglecture. Naganap iyon noong taong 1993.

Bilang lecturer ay nagsimula ako sa pagsi-share tungkol sa "Significance of giving a flower" sa tuwing mananita o pagharana sa madaling araw. Sumunod na binigay sa aking task ay ang pag-explain ng "Sign of the Cross".  Hanggang sa dumating ang panahon na ipinagkatiwala sa akin ang pagturo ng "Mystery of the Holy Trinity", ng "Mariology", etc.  Sa panahong iyon ay sa kay "Tatay Tejedor" na ako nakitira kasama ang kanyang inampon kaya napabilis ang pag-aaral ko. Isinali ako ni Tatay sa Stage 2 Catholic Faith Defenders Seminar na ginanap sa Agusan del Norte. Sa panahong iyon ay matindi ang pananampalataya ko. Naisipan ko pa ngang pumasok sa seminaryo para maging isang pari.

Nang magkolehiyo na ako ay napahiwalay ako sa grupo. Malayo kasi ang unibersidad na papasukan ako, isang araw ang biyahe para makarating. Pero sa bakasyon ay umuuwi naman ako para tumulong ulit bilang teaching staff sa Live-in seminar. Naging konti nalang ang panahon ko sa grupo dahil sa pag-aaral ko sa PNU at pagiging aktibo sa students' activities.

Noong matapos ko ang pag-aaral sa PNU, ay natanggap ako sa DILG. Nawalan na ako ng panahon sa grupo. Pinadala ako sa training for 6 months. Sa panahong iyon ay nagkaroon na ng malubhasang sakit si Tatay Tejedor ngunit hindi ako makabisita dahil sa rigid training na sinalihan ko. Pumanaw siya na hindi ko man lang nakita kahit sa huling pagkakataon. Iyon ay nangyari noong taong 2000.

Isang buwan na ang lumipas mula nang maramdaman ko na kailangan kong balikan ulit ang naiwan kong katungkulan - pagiging isang apologist o Catholic Faith Defender. Naalala ko si Tatay Tejedor. Naalala ko ang mga motivations at authority na binigay niya sa akin. Parang may puwersa na tumutulak sa akin na mag-aral ulit sa doktrina, at bangunin ang naging dormant na grupong CFLAMP sa aming lugar na kanyang itinatag.

Ito ang dahilan kung bakit sumibol ang blog ng "Pagtuong Katoliko"... Bilang apologist, ang blogger nito ay may layuning ipagpatuloy ang kanyang nasimulan, ipabatid ang doktrinang katoliko sa mga nangangailangan, at ipagtanggol ang simbahang katoliko laban sa mga pang-aatake ng mga kapatid na napahiwalay ng landas... Christo et ecclesiae!

No comments:

Post a Comment